The Mt. Pinatubo Eruption (Tagalog)
(Nang Pumutok ang Bulkang Pinatubo)
Taon 1991 nang ang bulkang Pinatubo ay pumutok, nang araw na yun,
kami ng aking batang kapatid ay pauwi noon sa aming pangalawang probinsiya,
ang Bataan. Kami ay nakatira na ngayon sa Dinalupihan, ang huling
bayan ng Bataan na katabi lamang ng Olongapo City, Zambales. Ako ay
labing-limang taong gulang lamang noon ngunit bihasa na akong mag-biyahe
mula sa Maynila pauwi sa aming probinsiya.
Kami ay nanggaling sa istasyon ng Victory Bus Liner sa may Kalookan.
Kailangan kong ihatid ang aking kapatid dahil mag-sisimula na ang
kanyang klase, ako naman noon ay 3rd year high school at nag-aaral
sa Maynila. Umaga nang kami ay umalis, kami ay nag-rerelax habang
umaandar ang bus. Nag-simula namang umulan nang kami ay nasa bandang
Balintawak na. Habang umuulan, aking napapansin na ang tubig na nanggagaling
sa bubong ng sasakyan ay medyo marumi, sa isip ko ay baka marami lamang
alikabok ang bus at hindi nalinis mabuti.
Patuloy na umaandar ang bus sa North Luzon Expressway, pumipikit-pikit
ako dahil ako ay medyo inaantok. Maya - maya ay nag-uusap ang mga
tao sa bus, hindi ko naman sila pinapansin dahil ang mga tanawin ang
aking pinag-kakaabalahan. Hanggang napansin ko, na lalo yatang dumudumi
ang sasakyan imbes na nalilinisan dahil sa tubig ng ulan. Doon ko
na napansin ang pinag-uusapan sa bus, nag-bukas ng radyo ang driver
at aming narinig ang balita.
Pumutok pala ang bulkang Pinatubo. Hindi ko naman alam kung nasaan
ang Pinatubo, ito pala ay malapit lang sa aming lugar. Nang kami ay
makarating na sa bayan ng Pampangga, nag-simula nang dumilim pa, na
parang alas singko ng hapon kahit ito ay bandang alas nuwebe o alas
diyes lamang. Ako ay medyo kinabahan na lalo na ng kami ay nasa amin
ng bayan. Mas lalo pang dumilim na parang alas-sais na ng hapon. Nahihirapan
na ang driver na mag-maneho dahil sa sobrang dilim. Umuulan pa ng
mga abo at alikabok kaya medyo madilim at malabo ang daan. Hindi na
rin kaya ng wiper na linisin ang salamin dahil medyo tuyo ang ibang
mga abo at alikabok. Yung iba naman ay basa kaya naiipit ito sa wiper.
Binagalan na lamang ng driver ang pag-papatakbo.
Nang kami ay nasa aming barrio, talagang napakadilim na ng paligid
kaya tuloy ako ay lalong natakot. Akala ko noon ay katapusan na ng
mundo, mabuti na lang ay pauwi ako sa aming barrio at kapiling ko
ang aking mga kamag-anak kung sakali mang katapusan na. Lalo akong
nalungkot nang huminto na sa aming bahay ang bus, nakita ko ang nasirang
halaman sa aming paligid. Ang mga tanim na puno ng aking lolo ay nag-ka-putol-putol
dahil sa bigat ng abo na naka-patong sa mga dahoh. Nabali ang mga
sanga ng mga puno at halaman. Ang mga manok ay nag-puputakan at sila'y
basang-basa at walang masilungan.
Alas onse lamang iyon ng umaga, ngunit ang dilim ng paligid ay parang
gabing-gabi na, kailangan na naming mag-sindi ng ilaw para maliwanag.
Ang aming bahay ay yari lamang sa kugon, kahoy at sawali, huminto
na ang ulan pero patuloy pa rin ang pag-bagsak ng mga abo, alikabok
at meron ding mga batong maliliit na medyo mainit pa. Pumapasok ang
mag alikabok sa loob ng bahay kaya kami ay hindi makakatulog, nakakapuwing
din ang alikabok kaya kailangan naming mag-suot ng salamin sa mata
at mag-talukbong ng ulo.
At dahil sa dami ng mga alikabok, bato at abo, napatungan na ng husto
ang bubong ng aming bahay. Kami ng aking step father ay umakyat sa
bubong at nag-linis. Inalis namin ang mga alikabok sa bubong na naka-tapat
sa aming tinutulugan. Ngunit sobrang lakas ang pag-buhos ng mga abo,
kaya kami ay huminto na lamang at doon sa bahay ng aking lolo kami
natulog. Mababa lamang ang bubong ng bahay ng aking lolo kaya madali
itong malinisan.
Nag-dasal ang mga matatanda at nag-usap-usap, umabot ang alas-singko
ng hapon, patuloy pa rin ang pag-dilim. Kami na lamang ay kumain ng
hapunan at natulog. Habang kami ay naka-higa, rinig na rinig ko ang
ugong na nanggagaling sa bulkan. Naririnig ko ang kulo ng lava at
parang kumukulog pa, para itong sinaing o tubig na kumukulo. Nakikita
din namin ang liwanag na nanggagaling sa bulkang Pinatubo.
Kinaumagahan, napakaganda ng paligid at sinag ng araw. Maliwanag
na maliwanag ang langit, ako ay nag-pasalamat dahil hindi pa pala
katapusan ng mundo. Ang taas ng alikabok sa labas ng aming bahay ay
umabot sa dalawang talampakan. Ang burol ay napupuno ng mga abo na
kung titingnan sa malayo ay parang mga yelo. Magandang tingnan ang
paligid dahil sa nag-nining ning ito. Ako ay pumasyal sa sapa, malabo
ang tubig at napakababaw na, punong puno ang daluyan ng tubig ng mga
alikabok. Ang mga Aeta ay nag-lalakad, buhat buhat nila ang kanilang
mga anak, mga damit at mga alagang hayop. Sa palagay ko ay hindi nila
gaanong nalalaman ang tunay na nangyayari nang panahon na yun.
********************************************
If you
think this article is worth reading and you'd like to feature in your
own website, newsletter, magazine or gazette, please ask permission
from the Administrator. Email Us at
admin@ofw-connect.com
Copyright©2003 OFW Connect
******************************************