Nakapag Abroad Ako, May Suwerte Nga Ba Ako? (Ayon sa Kwento ni Apolonio)
Dahil sa nangyaring trahedya noong Septmber 11 2001, ang mga hotel
business sa Dubai ay naapektuhan kaya ako ay napa-uwi ng wala sa oras.
Ako ay kauuwi lang noon galing sa Dubai nang maisipan kong mag-abroad
muli. Sinubukan kong mag-apply sa Brunei sa pamamagitan ng isang Agency
dito sa aming probinsiya. Gusto ko sanang umurong sa trabaho na inalok
sa akin dahil ang magiging suweldo ko ay B$350 (Php 10,000) lamang
bilang waiter/kitchen helper kaya lang ako ay naka-pag bayad na ng
paunang placement fee.
Ang kabuuang bayad ay umabot sa mahigit na P60,000. Sabi ng agency
kapag ako raw ay tumanggi, hindi ko na raw ma-re-reimburse ang aking
ibinayad na nauna. Kaya ako na lamang ay tumuloy. Ayos lang sana kahit
maliit lamang ang aking suweldo, basta hindi naman malaki ang placement
fee. Ako pa ay nag-taka dahil ang ibinayad ko ay P60,000 mahigit nga,
ngunit ang ibinigay lamang na resibo sa akin ay sa halagang P10,000
lamang.
Pag-dating sa Brunei, ako pa ay gustong singilin ng sister agency
niya rito ng aking isang buwang suweldo. At dahil sa ako ay naiinis
sa kanila, hindi ko muna iyon binayaran. Ako ay lalo pang nainis dahil
noong ako ay pumirma ng kontrata, ang nakalagay doon na suweldo ko
ay B$450, ngunit bakit B$350 lang bigay sa akin?
Lumipas ang dalawang buwan ako ay biglang nag-kasakit, masakit na
masakit ang aking sikmura at ako ay nasusuka. Ang aking among intsik
at mga kasama ay nag-isip na ako ay isang asuwang. Ako ay kanilang
pina-inom ng kung ano-ano kung saan ako ay lalong napa-suka at nahilo.
Naisip kong mag-punta sa ospital, pag-dating doon at pag-katapos
ng kaunting tanong sabi sa akin ako daw ay kailangang maoperahan sa
appendix. At dahil ako lamang mag-isa ang nag-punta sa ospital at
dahil na rin sa takot, pumayag ako na maoperahan. Kinabukasan ako
ay pinalabas na sa ospital, huli na ng maisip ko na dapat ay kinuha
ko ang inalis sa akin na kidney, kung meron man.
Dalawang linggo lamang ang binigay sa akin na pahinga. Ako pa ay
nag-bayad ng B$1,200 dahil sa operasyon. Ako ay walang kapera-pera
dahil nga bago pa lang ako sa Brunei kaya ako ay huminge ng tulong
sa aking amo. Akala ko ay covered na ako ng medical, hindi pa daw
pala dahil wala pa akong three months. Nagalit pa ang amo ko sa akin
dahil baka alam ko na raw na may sakit ako pero pumunta lang daw ako
sa Brunei para mag-pa opera ng libre. Hindi naman libre ang aking
binayad, binawas sa akin ang kanilang ibinayad sa operasyon. Sa loob
ng ilang buwan ako ay walang nakuhang suweldo, kundi B$50.00 lamang.
Kaya ang aking utang na ibinayad sa placement fee ay hindi ko man
lang nabayaran.
Dumating ang November, ako ngayon ay naka-luwag na. Nag-padala ako
ng B$100 sa aking magulang upang ibawas sa aking utang. Ako ay talagang
sinusuwerte, ang aking pinaldahan ay nag-kamali sa pag-sulat ng aming
address, at dahil sa mali ang address, hindi ito naka-rating sa amin.
Sa tulong ng aking naging kaibigan, naresolbahan ang aking problema.
Hindi pa rin ako nakapag-padala hanggang February 2004 dahil noong
ako ay walang suweldo, nag-kautang utang din ako sa iba. Pero mabuti
naman at dumating na noong February 04 lamang ang aking ipinadala
noong Nov. 03
Ngayon, umabot na sa P80,000 ang aking utang dahil sa tubo. Binibilang
ko ang aking susuwelduhin hanggang matapos ang kontrata, ngunit hindi
pa rin sapat upang mabayaran ko lahat ang aking inutang na placement
fee. Kapag nag-kataon na ayaw na ako bigyan ng bagong kontrata, malamang
uuwi ako na walang kapera-pera.
Ako ay parang nag-trabaho lang sa Brunei upang buhayin ang mapag-samantalang
agency na nag-hire sa akin. Sana ay mabasa ito ng aking agency at
sila ay makonsensya!