Sa Tuwing Uuwi Para Mag-bakasyon 1 - (Mula sa Eroplano)
UNANG DATING / MULING PAGBABALIK
Tuwing uuwi sa Pilipinas, medyo masikip ang dating kapag nasa kalsada
na ng EDSA pag-labas mula sa airport ng NAIA...dahil sa dami ng mga
tao, mahabang traffic, nag-dadamihang bahay, building at mga sasakyan.
Maninibago ka talaga sa klima at atmosphere, medyo madalas ikaw ay
parang naiilang.
BAGO BUMABA SA EROPLANO
Pero, bago lumapag ang eroplano, napakasarap ng aking pakiramdam
kapag nakikita ko na ang kapaligiran ng Manila, mula sa baybayin ng
Cavite City papunta sa Paranaque....
Noong hindi pa ako nakakapag-abroad, palagi kong nakikita na dumadaan
sa itaas ng aming bahay ang mga eroplano na papunta sa airport, maingay
at madalas na nagugulo ang signal ng TV...pero hindi ko pinangarap
na sumakay ng eroplano kahit halos maya't maya ay nakikita ko palagi
ang mga dumadaang eroplano.
Ngayon, tuwing ako ay nakasakay pauwi sa Pilipinas, parang nakikita
ko ang sarili ko sa ibaba habang tumitingin sa itaas para pag-masdan
ang dumadaang sasakyang pang-langit.
Tuwang-tuwa ako na tumatanaw sa ibaba mula sa eroplano na aking sinasakyan
dahil palagi ko ring nakikita ang building ng dati kong school, ang
San Sebastian College sa Cavite City...
Natatanaw ko din ang baybay ng dagat ng Cavite City, kung saan noong
hindi pa ako nakakapag-abroad, madalas kaming namamasyal doon sa baybay
para mag-pahangin. Napansin ko rin na ang mga baklad ng mga mangingisda
sa baybay ng Cavite, Coastal Road ng Paranaque papalapit sa NAIA airport
ay mistulang mga ARROWS, kung saan, lumalabas ito na parang guide,
kung saan dapat tutungo ang eroplano...napakaganda tingnan dahil para
itong isang art na nasa tubig...
Naalala ko rin tuwing titingin sa ibaba ang aking mga kamag-anak
noon (lalo na ang aking lolo) na palaging nangunguha ng tahong na
nakadikit sa batuhan para kami ay may ma-i-ulam...madalas din na ang
aking lolo ay nakakahuli ng mga isda at talangka.
Mula pa rin sa eroplano, nakikita ko rin ang probinsya ng Bataan
na nasa aking kaliwa tuwing lalapag ang sasakyan. Naalala ko rin ang
aking buhay noong bata pa tuwing makikita ang bulubunduking Bataan,
dahil sa lugar na ito ako lumaki. Masaya ko ring pinag-mamasdan ang
Manila Bay, nakikita rin ang Manila-Pasay Boulevard.
Sa tuwing hihinto naman ang eroplano para kami ay ibaba na sa airport,
ang mga pasahero ay masayang nag-papalakpakan bilang pasasalamat na
kami ay nakarating ng maluwalhati sa aming pupuntahan...Hindi ko naman
nakakalimutang mag-dasal bago lumipad ang eroplano at kapag huminto
na ito...Humihiling at nag-papasalamat para sa magandang pag-lalakbay
at gabay sa aming sinasakyan.
SA NAIA AIRPORT
Sa immigration naman, natutuwa naman ako sa ngayon dahil mababait
at professional naman ang mga immigration officer, hindi ka na nakakarinig
ng "pamasko naman", "konting barya" lang etc...kaya
dire-diretso naman ang aming pag-labas hanggang sa pag-kuha ng aming
mga bagahe.
Sa labas ng airport, nasubukan na rin naming sumakay ng Airport taxi,
medyo may kamahalan pero mapag-kakatiwalaan naman ang mga tsuper ng
taxi na handog-serbisyo ng Department of Tourism...kami ay diretsong
nag-pahatid sa istasyon ng sasakyan pauwi ng probinsya...
SA SIYUDAD NG MAYNILA
Kung hindi naman kami uuwi ng probinsya, kami ay madalas na tumitigil
muna ng ilang araw sa aming kamag-anak sa siyudad. Maingay ang siyudad
dahil sa dami ng sasakyan at tao, tulad ng MRT, mga Bus sa EDSA, tricycle
at mga taong hindi ata natutulog dahil kahit alas tres ng madaling
araw ay may makikita ka pa ring mga bata na nag-tatakbuhan sa labasan.
Pero kahit na sabi nila ay kakaiba ang Pilipinas (madalas sasabihin
ng ibang kababayan na pangit sa kanilang bansa), para sa akin, masarap
pa ring mamuhay sa sariling bayan...hindi maipaliwanag, kahit ilang
taon ka na sa ibang bansa, iba pa rin ang feeling kapag nakalapat
na ang paa mo sa sarili mong lupain...